Ibinahagi ng beteranong aktor na si Albert Martinez na inalagaan niyang mabuti si Kylie Versoza sa kanilang intimate scenes sa pelikulang “The Housemaid”.
Ang nasabing pelikula ay ang Philippine adoptation ng 2010 South Korean film, kung saan ay ginampanan ni Martinez ang papel ng isang bilyonaryo at padre-de-pamilya na si William, na magkakaroon ng sexual relationship sa kasambahay nito na si Daisy na ginampanan ni Kylie.
Ikinumpara ng 60-anyos na aktor ang mga eksena nila ni Kylie sa mga eksena niya sa “Scorpio Nights 2” na kasama si Joyce Jimenez noong 1999.

Ipinunto ni Albert na mas naging maingat siya kay Kylie kaysa kay Joyce pagdating sa pamamagitan ng pag-choreograph sa mga intimate scenes sa “The Housemaid”.
Natanong naman kay Martinez sa presscon ng pelikula kung ano ang sikreto ng pagiging “desirable” nito sa edad na 60.
Inihayag ng aktor, na opisyal na naging senior citizen noong Abril, na bahagi ng investments ng artista ang pagpapanatili ng magandang katawan at youthful look.
Ibinahagi rin niya na ang nagpapabata talaga sa itsura niya ay ang work-out, tamang pagkain, at hindi pang-aabuso sa sarili.