LEGAZPI CITY – Posible umano ang nasa Albay west coast ang nakikita ng Albay PTCAO na maging 24 hours operational ang turismo dahil ang bawat munisipyo nito ay may mga resort at may mga aktibidad na ginagawa ang mga private owners.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Billy Balbin, supervising tourism operation officer ng nasabing opisina, sinabi nito na magmula sa bayan ng Libon hanggang sa bayan ng Pio Duran ay napapalibutan ng mga resort, kung saan may mga kanya-kanyang istratehiya ang mga may-ari nito upang sa ganun ay maging 24 hours ang kanilang operasyon.
Binigyang-diin nito na hindi lahat ng negosyo o tourism site sa Albay ay kaya nang mag-operate ng 24 hours dahil iba ang kultura o nature ng lugar pagdating sa turismo, hindi tulad ng Boracay, Tagaytay at iba pang lugar na mayroong 24 hours operational na kayang gawin dahil samu’t saring mga aktibidad o entertainment ang ginagawa ng mga may-ari.
Kung ikukumpara umano sa Albay, karamihan sa mga dinarayong tourist destinations ay ang Farm Plate, falls, hills at resorts na may oras lamang ito.
Sinabi pa ng opisyal, hindi naman inoobliga ang mga tourism sites at mga destinasyon na mag-operate nang 24 hours kung hindi naman kaya ng mga establisimento, resorts at iba pa.
Kung ipagpipilit umano ng mga may-ari na gawin ito, baka, aniya, malugi kung wala namang dumarayong mga turista.