Nananawagan ang Albay Provincial Health Office (PHO) sa publiko na magpabakuna pa rin ang mga ito sa kabila ng pag-lift ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 emergency.
Ayon kay PHO Chief, Dr. Estela Zenit, ang panawagang ito ay dahil mayroon pa ring mga bagong naitatalang kaso sa Albay.
Aniya, bagama’t tinanggal na ng WHO sa Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) ang COVID-19 pandemic, hinihikayat pa rin na kumuha ng COVID-19 jabs ang mga Albayano.
Mayroon pa rin umano kasing posibilidad ng mga banta kung hindi susundin ng mga tao ang pinakamababang pamantayan sa kalusugan.
Makakatulong umano ito kahit papaano na mapababa ang mga naitalang kaso.
Ayon pa kay Zenit, kung mayroon mang nais na makapagpabakuna ng COVID-19 jabs, ang bakunang Sinovac ang tanging magagamit na shot sa kanilang opisina para sa mga walk-in.