SORSOGON CITY – Inilagay na ng pamunuan ng Juban Municipal Police Station sa ilalim ng ‘restrictive custody’ang isa sa kanilang personahe na naghamon ng suntukan sa kanyang ‘kabaro’ sa loob mismo ng kanilang himpilan.
Kinilala ng PRO5 ang mga nasasangkot na pulis na sina PMSgt Roderick Dalde Dizon, Admin PNCO, 42-anyos, may asawa at naninirahan sa Brgy Salvacion, Pilar, Sorsogon at PSSgt Geronimo Buscay Ayohan, PNCO, 41-anyos, may asawa at residente ng Brgy Pangpang lungsod ng Sorsogon.
Sa ulat na natanggap ng Brigada News, nagkaroon umano ng argumento ang dalawang pulis, kung saan inakusahan ni Ayohan si Dizon ng paninirang puri sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mali o hindi tamang akusasyon tungkol sa kanya umanong ‘attitude’ sa kanyang trabaho.
Hindi na umano nakapagkontrol ng galit si Ayohan hanggang sa hinamon nito si Dizon ng suntukan at agad na sinalakay at sinuntok sa mukha ang huli.


Bunsod nito nagkaroon ng komosyon sa loob ng himpilan. Tinangka umanong awatin ng mga kasamahan ang dalawang pulis subalit walang nangyari. Naawat lang umano ang mga ito nang dumating ang kanilang hepe na si PLt Jonathan Hapa.
Agad namang pinadis-armahan ng hepe ang dalawang nasasangkot habang si Dizon ay dinala sa ospital para sa medikal na atensyon at si Ayohan ay inilagay naman sa restrictive custody.
Sa pahayag sa Brigada News ni PLt Hapa, si Ayohan ay pansamanatalang kinustudiya ng himpilan habang hindi pa tapos ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.