Sinusuportahan ni Interior Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño ang ipinapanukalang muling pagpapaliban ng eleksyon para sa mga barangay officials.
Ito ay makaraang sabihin ni Majority Leader Martin Romualdez na aabot sa walong bilyong piso ang matitipid ng gobyerno sakali mang i-postpone ang barangay elections.
Bahagi rin ng ipinangako ni presumptive president Bongbong Marcos ang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay.
Sa isang panayam, sinabi ni Diño na kung siya ang tatanungin, papabor siya kung sa Mayo na ng susunod na taon idaos ang halalan para rito.
Paliwanag ng opisyal, masyado pang maraming problema ang bansa na sumasandal sa magiging mga programa ng barangay kabilang na ang muling pagtaas ng bilang ng mga nade-dengue.
Dagdag pa nito, hindi pa rin tuluyang natatapos ang election season ng national and local officials at ‘highly-politicized’ pa rin ang mga Pilipino kaya naman kinakailangan na muna nating huminga.
Naniniwala rin si Diño na masyado pang mainit at madugo ang local elections para sa barangay officials lalo na’t pami-pamilya ang mga nagtatalo para rito.
Sa ngayon, ipauubaya na umano nila sa susunod na Kongreso kung magkakaroon ng barangay elections.
Tutol naman si Mayor Chavit Singson, pangulo ng Liga ng mga Munisipalidad na ipagpalibang muli ang halalan.
Aniya, masiyado nang matagal nanunungkulan ang mga ito at napapanahon na para mapalitan sila sa puwesto.
Nakatakdang idaos ang barangay elections sa Disyembre ngayong taon.
Mababatid na 2018 pa huling nagkaroon ng eleksyon para sa barangay at SK officials – nangangahulugang na-extend na ng hanggang limang taon ang termino ng 420,000 officials mula sa 42,044 na mga barangay sa Pilipinas.
#