SORSOGON CITY – Magpapatuloy ngayong araw, Mayo 19, ang damage assessment ng risk reduction and management office ng Masbate sa naganap na sunod-sunod na pagyanig kung saan magnitude 4.8 na lindol ang tumama sa Masbate City dakong alas 9.38 ng umaga kahapon.
Sa ulat ng Phivolcs-DOST, una nang tumama sa bayan ng Batuan, Masbate ang magnitude 3.7 na lindol dakong alas 9:29 ng umaga kahapon.


Sa inisyal na assessment, wala namang naiulat na nasaktan o malakihang pinsala subalit sa bayan ng Mobo na siyang natukoy na sentro ng pagyanig sa layong 7km NE ng Mobo na may lalim ng 5km at tectonic ang pinagmulan, ay may ilang classrooms sa paaralan na nagkaroon ng mga bitak sa pinto at dingding.
Sa sunod-sunod na pagyanig, nakapagtala ang Phivolcs-DOST ng mga intensities katulad ng Intensity 6 sa bayan ng Mobo, Intensity 5 sa lungsod ng Masbate, Intensity 4 sa bayan ng Aroroy at Baleno, Intensity 3 sa bayan ng Batuan at Intensity 2 sa bayan ng San Jacinto at Ajuy, Iloilo habang Intensity 1 naman sa Passi City, Iloilo.
