CAMARINES NORTE- Nagtungo sa Calaguas island sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte ang mga taga Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong nakaraang linggo para sa pamamahagi ng mga kagamitan at semilya sa pagtatanim ng gulaman.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam nasa 17 seaweeds farmers mula sa tribung Dumagat ang nakatanggap ng tulong mula sa ahensiya.
Ayon kay Tiam noon pang isang taon napili ang mga benepisyaryo ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa ilalim ng Bayanihan 3 at nagkaroon ng validation ang BFAR.
Maganda naman aniya ang “outcome” ng pagtatanim ng seaweeds sa buong probinsiya pero bumaba ang produksyon nito ngayon dahil sa COVID- 19 pandemic.
Naantala rin kasi ang pamamahagi ng mga kagamitan at semilya sa pagtatanim ng seaweeds.
Sinasabing isa ang Pilipinas sa dati ay nagungunang bansa sa mundo na contributor ng seaweeds.
Noong 2018 ay tumaas ng hanggang sa 8.58 percent ang naitalang seaweeds production sa bansa sa second quarter ng taon batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Naitala ang 318. 51 libong MT produksiyon na mas mataas kumpara sa 293.34 libong MT noong 2017.
Ayon kay Tiam maganda ngayon ang presyuhan lalo na ng “dried seaweeds” kumpara noong mga nakaraang taon at ang Cebu ang pinakamalaking buyer ngayon ng seaweeds ng probinsiya.
“Kasi ngayon medyo maganda po ang ano ang presyo ng dried na seaweeds compared po nung mga nakaraang taon na medyo mababa dahil nga po wala yung market, mahirap i- market samantalang ngayon po medyo bukas na ang market ng seaweeds.”
