CAMARINES NORTE- Nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa mga turistang pupunta sa iba’t- ibang tourist destination sa lalawigan na pakiramdaman pa rin ang lagay ng panahon bago magplano ng outing.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, substation commander ng Coast Guard Mercedes sinabi nito na bagamat unti- unti nang gumaganda ang panahon ay dapat pa ring mag ingat lalo pa’t hindi pa talaga opisyal na idenedaklara ang panahon ng tag init.
Aniya, may mga panahon kasi na kalmada ang dagat pero bigla na lang itong lumalakas.
Noong isang linggo ay mayroong 25 turista mula sa Maynila ang tatawid sana sa Calaguas island pero hindi ito pinayagan ng Coast Guard dahil sa nakabanderang gale warning.
Paalala pa ng PCG na huwag kalimutan ang pagsunod sa health protocols sa kabila ng unti- unting pagluwag ng mga restrictions na may kaugnayan sa COVID- 19.
Noon lang nakatalikod na linggo ay niluwagan na ng Incident Management Team ang border ng Camarines Norte kahit nanatili pa ito sa ilalim ng Alert Level 2.
Hindi na kailangan ang travel paas para sa mga papasok sa lalawigan pero kailangan pa ring ipresenta ang vaccination card.
Ang Quarantine checkpoint naman sa Tuaca at Tabugon ay ginawa nang referral center at inalis na rin ang mga uniform personnel na nanatali sa lugar ng halos dalawang taon.
