CAMARINES NORTE- Humiling ng halagang P50 milyon ang Lokal na Pamahalaan ng Basud, Camarines Norte sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa construction ng evacuation center sa Barangay Taisan.
Noong nakaraang linggo ay inaprobahan ng Sangguniang Bayan ang hiling ng Local Chief Executive na mabigyan ito ng authority para pumasok sa isang Memorandum of Agreement sa PAGCOR para sa construction ng naturang proyekto.
Isa kasi ang MOA sa requirements para sa tulong pinansiyal.
Ayon sa Sangguniang Bayan, malaki ang maitutulong ng naturang proyekto para maprotektahan ang buhay ng mga constituents lalo na ang vulnerable sectors kapag mayroong sakuna o kalamidad.
Matatandaan na sumulat ang Alkalde kay PAGCOR Chairman Andrea Domingo noon pang Hunyo ng nakaraang taon para humiling ng pondo.
Ayon sa sulat, hindi sapat ang pananalapi ng Lokal na Pamahalaan para sa mga infrastructure development projects
Nakadepende raw kasi ito sa release ng Internal Revenue Allotment o IRA kaya hindi kayang pondohan ang mga priority projects na milyon- milyon ang halaga.
Ang proposed evacuation center ay itatayo sa lupang pag- aaari ng LGU.
