BICOL – INIHAYAG ng Department of Health Bicol na isa ang mababang bilang ng mga tumatanggap ng kanilang booster dose kontra covid-19 sa mga dahilan sa paglulunsad ng Bayanihan Bakunahan Part 3.
Ayon sa DOH-Bicol, aabot pa lamang sa 201,000 ang mga nakatanggap na ng booster shot sa rehiyon at isa sa mga pangunahing target sa pag arangkadang muli ng national vaccination drive ay upang mapataas pa ito.
Gayunpaman, ikinagagalak naman ng kagawaran ang ulat ng National Vaccination Center kung saan mula sa 4.9 million o 80% na target population para sa taong 2022 ng rehiyon, nakapagbakuna na ng aabot sa 2.9 million na mga Bicolano o katumbas ng 58.59%.
Habang aabot na rin umano sa 3.4 million na mga indibidwal o 68.08% ang nakatanggap na ng kanilang first dose.
Samantala, target sa nasabing 2-day activity na nagsimula ngayong araw ang makapagbakuna ng aabot mahigit 260,000 na mga indibidwal kabilang na ang mga edad 12-anyos pataas na tatanggap ng kanilang first dose at second dose at mga edad 18-anyos pataas na tatanggap naman ng kanilang booster shots.
Sa nabanggit na total jabs, mahigit 117,000 ang target na mabakunahan ng first dose at mahigit 149,000 naman ang sa booster dose habang mahigit 133,000 naman ang target jabsng rehiyon kada araw.
Positibo naman ang DOH-Bicol na kayang ma-achieve ang nasabing target sa tulong ng mga stratehiya na nabuo mula sa mga naunahang bayanihan bakunahan gayundin sa pamamagitan ng whole-of-government approach at buong suporta ng mga komunidad.