Inabisuhan ng Commission on Audit ang Department of Education (DepEd) na hingiin na ang delivery ng mahigit P5.53-billion na halaga ng computer hardware at software, textbooks, at iba pang learning materials na binili nito sa tulong ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) noong 2020 at sa mga nakalipas na taon.
Sa 2020 annual audit report ay ipinunto ng COA na umabot na sa P6.65-billion ang halaga ng outstanding fund transfers ng DepEd sa PS-DBM, kabilang na ang P5.53-billion na inilaan para sa procurement ng mga nasabing kagamitan.

Ipinunto ng COA na dapat ay naipamahagi na sa mga public elementary at secondary schools sa buong bansa ang mga computers at learning materials sa ilalim ng DepEd Computerization Program (DCP) at iba pang proyekto.
Binigyang diin ng COA na ang paglilipat ng pondo nang hindi minomonitor ng maigi ang mga liquidations at timely delivery ng procured items, ay posibleng makaapekto ng labis sa episyenteng program delivery ng DepEd.
Napuna rin ng COA ang paglilipat ng DepEd Central Office ng P1.44-billion sa PS-DBM noong 2020 kahit hawak pa nito ang P5.21-billion na halaga ng undelivered items o unliquidated funds.