CAMARINES NORTE- Naglabas ng saloobin sa kanilang social media account ang dalawang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Capalonga, Camarines Norte matapos patawan ng 60- day preventive suspension ng Sangguniang Panlalawigan.
Nag- ugat ang suspensyon, makaraang sampahan ng kasong administratibo ni Punong Barangay Arlene Conmigo ng Camagsaan sina Vice Mayor Juan Enero at walo pang miyembro ng Sangguniang Bayan dahil umano sa Grave Abuse of Authority.
Ayon kay Vice Mayor Enero, maputol man aniya ang kanilang panunungkulan sa loob ng 60 araw ay hindi naman daw ito hadlang para maputol rin ang direktang serbisyo ng mga ito sa mga taga Capalonga.
Kasabay din nito ay nagpasalamat si Enero sa kanilang mga taga suporta.
Idenepensa naman ni Coun. Fatima Regine Navarro ang ginawang pag suspinde ng mayorya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa nagrereklamong Punong Barangay.
Aniya, ginawa nila ito dahil sa isinampaang Gross Neglect of Duty, Dishonesty at Grave Abuse of Discretion laban kay PB Conmigo.
Paliwanag ni Navarro, hindi pwedeng ipagwalang bahala ng Sangguniang Bayan ang reklamo lalo’t mayroon itong Probable Cause.
Kinailangan daw suspendihin ang Kapitan bago pormal na imbestigahan dahil ito ay bahagi ng proseso para malitis ng patas at hindi nito maimpluwensiyahan o mamanipula ang mga dokumento sa Barangay na may kinalaman sa reklamo.
Giit ng konsehal, hindi sila nagmalabis sa Sangguniang Bayan at tila pinupulitika lamang aniya sila.
Binanatan at pinasaringan rin nito ang pitong Bokal na bomoto pabor sa preventive suspension laban sa kanila.
Aniya inihalal ang mga Bokal para magserbisyo ng tama sa tao at hindi ang magsebisyo sa iisang amo.
Matatandaang sa botong 7- 3 ay pinatawan ng SP ng 60- day preventive suspension sina VM Enero at ang walong miyembro ng SB Capalonga na kinabibilangan nina Councilors, Navarro, Cony Olin, Renato Aler, Abraham Juego, Ramil Ravis, Remegio Barbo, Felix Oliva at Joshua Florante.
Sinisikap din ng Brigada News FM na kunan ng pahayag ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito ay upang malaman kung paano magpapatuloy ang serbisyo ng naturang legislative body ngayong dalawa lang ang hindi nasuspinde.

