CAMARINES SUR – Ikinabahala ng ilang residente sa Barangay Salvacion, Bula, Camarines Sur nang magkabitak-bitak at pagkagiba ang riprap nitong Sabado ng gabi, Agosto 3, 2024.
Sa ipinaabot na video ng isang residente sa Brigada News FM Naga, kitang-kita ang pagkakabitak-bitak nito at pagkagiba. Sa panayam naman ng BNFM Naga kay Carlos Pontanal, tagapagpahayag ng LGU ng Bula, sinabi nitong hindi na ito sakop ng LGU dahil hindi naman itinurn over sa kanila at proyekto ito mismo ng Department of Public Works and Highways. Gayunpaman, nagsagawa pa rin ng inspeksyon ang Municipal Engineering Office sa lugar at base sa kanilang report, tinatayang nasa 30 metro ang lawak ng nasira sa riprap wall. Kasabay ng pag-inspeksyon , kaagad itong isinaayos.
Nabanggit din ni Pontanal na hindi pa gaanong katagalan nang matapos ang pagsasagawa ng riprap na ito. Hindi pa malaman sa ngayon kung ano ang pinakadahilan ng pagkakabitak-bitak ng nasabing wall maliban sa nakaranas ng matinding pag-uulan ang lugar.
Nagpaalala na rin ang opisyal sa mga residenteng nakatira malapit dito at kung maaari ay ipagbigay alam agad sa kanila ang ganitong mga insidente upang agad na maaksyunan.