BICOL—Nagpahayag ng pangamba ang isang Shipping Line na bumabiyahe papasok at palabas ng Catanduanes, matapos na hilingin ng Incident Management Team sa pamunuan nito na isama sa kanilang biyahe kung kinakailangan, ang mga pasyente sa lalawigan na nag positibo sa COVID-19.
Ayon sa pamunuan ng Cardinal Shipping Lines dapat na ikonsidera ng IMT ang posibilidad ng peligro sa pagsakay nila sa mga indibidwal na positibo sa coronavirus partikular sa mga crew at opisyal ng kanilang mga barko.
Hindi dapat aniya isantabi ng IMT ang posibilidad na matigil ang kanilang operasyon kung sakali man na mahawaan ang kahit isa sakanilang mga tauhan o empleyado, ma quarantine ang mga close contacts nito at isailalim sa disinfection ang kanilang barko.
Kung sakaling mangyari ang kanilang pangamba, maaari nitong maapektuhan ang kanilang pangalan at mag resulta sa pagkalugi ng kompanya.
Kung sakali man na kanilang pahintulutan ang hiling ng IMT, naglatag ng kondisyon ang pamunuan ng nasabing shipping line tulad ng “Last In, First Out” policy kung saan ang ambulansyang isasakay sa barko na kinaroroonan ng COVID patient ay kailangang may sariling urinal o ihian upang hindi na kinakailangan pang lumabas ng pasyente sa ambulansya. Dapat rin umanong aprubado ng Philippine Coastguard ang pagsakay ng pasyente sa ambulansya mula sa pier na pinanggalingan nito.