LEGAZPI CITY – Inihayag ng Albay Electric Cooperative (ALECO) Member-Consumer Owner Alliance na isa sa mga agenda sa isasagawang Annual General Membership Assembly (AGMA) 2024 mamaya ay ang pag-utang umano ng ALECO sa National Electrification Administration (NEA) ng halagang P200M.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Noel Cantal ng nasabing alyansa, sinabi niya na hindi kasi malinaw ang bagay na ito dahil maalalang noong bumisita si Pangulong Bongbong Marcos sa Albay, sinabi ni House Committee Chairman on Appropriations Zaldy Co na mayrooon silang nilaan na P500M para sa rehabilitasyon ng ALECO.
Pero nabalitaan nila’y P200 million ang mapupunta sa ALECO, habang P300M ay mapupunta sa NEA.
Nangangahulugan lang ani Cantal na may pondong hindi napunta sa ALECO kaya’t uutang nalang sa NEA, at ang tanong naman umano, saan kukuha ang NEA na ipapautang sa kooperatiba.
Umaasa si Cantal na sa pamamagitan ng akibidad, mabibigyang kasagutan ang lahat ng kanilang mga katanungan.