Madhya Pradesh, INDIA— Hindi superhero ang nagligtas sa magkapatid na sina Firoz at Sabir Manzuri ng Madhya Pradesh, India mula sa kapahamakan kundi ang binili nilang birthday cake. Iyan ang naging kwento at salaysay ng dalawa matapos silang atakehin ng leopard habang sakay ng motorsiklo papauwi sakanilang bahay.
Kwento ng magkapatid na Manzuri, binabaybay nilang dalawa ang masukal na daan papauwi ng kanilang bahay mula sa pagbili ng cake nang bigla na lamang lumabas ang isang leopard mula sa kalapit na taniman ng tubo.
Sinubukan nilang humarurot ng takbo ngunit sa bilis ng leopard ay naabutan sila nito at inatake ng kalmot si Sabir na maswerte namang naiwasan nito.
Dahil walang ibang dalang pwedeng ipambato laban sa mabangis na hayop, napilitan si Sabir na ibato sa leopard ang binili nilang birthday cake. Tinamaan ito sa ulo at dahil umano sa gulat ng hayop ay kumaripas ito ng takbo papalayo sakanila.
Agad naman silang nag report sa mga otoridad at ayon sa mga ito hindi iyon ang unang pagkakataon na nakatanggap sila ng report hinggil sa pag atake ng leopard.
Dumami kasi umano ang bilang ng naturang hayop sa nasabing bansa matapos ang conservation efforts ng kanilang gobyerno noong 2014 na may layuning paramihin ang lahi ng mga leopards matapos itong ideklarang endangered.
Hindi naman napuruhan ang dalawa at maswerteng nakaligtas laban sa mabangis na hayop dahil sa isang birthday cake.### JUMEL DELA ROSA