Ayuda para sa mga mangingisdang maaapektuhan ng fishing ban ng China, ipinanawagan ng isang kongresista

Hinimok ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang gobyerno na magkaloob ng tulong sa mga mangingisdang maaapektuhan ng apat na buwang fishing ban na ipatutupad ng China.

Ayon kay Lee, inaasahang mas magiging agresibo ang China sa pagtataboy sa mga magtatangkang mangisda sa pinag-aagawang teritoryo sa kabila ng deklarasyon ng UNCLOS na walang legal na basehan ang pang-aangkin ng naturang bansa.

Karapatan aniya ng mga mangingisda na malayang makapangisda sa West Philippine Sea ngunit dahil matagal nang may pattern ng pambu-bully at harassment ang China ay kailangan umanong ihanda at tiyakin ang mabilis na paghahatid ng ayuda sa mga matatamaan ng fishing ban.

Read More:  PNP to deploy more personnel around Senate amid political tensions

Punto ng kongresista, bagama’t magandang hakbang ang paghahain ng pormal na protesta sa fishing ban ng China ay nararapat ding maging agresibo ang Pilipinas sa pagsuporta sa karapatan ng mga mangingisda.

Read More:  NAPOLCOM backs Truth Commission, affirms commitment to accountability

Iginiit pa nito na habang tumatagal ang problema ay lalong nadedehado ang mga mangingisdang kaunti na ang kita at may banta pa ng pagbaba ng suplay ng isda na makakaapekto sa food security.

Dahil dito, muling ipinanawagan ni Lee ang pag-apruba sa panukalang batas na “Fishing Shelters and Ports Act” kung saan magtatayo ng fishing shelters at pantalan sa siyam na okupadong maritime features sa WPS at Philippine Rise.