CAMARINES SUR- Sa patuloy na paglaganap ng mga online scams, hangad ng Department of Information and Communication Technology (DICT) Camarines Sur ang pakikiisa ng publiko sa pagsugpo ng mga panloloko online sa pamamagitan ng pagsali at paglaan ng oras na alamin ang mga dapat gawin upang mapalakas ang seguridad ng bawat indibidwal sa mundo ng online.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Ralph Spencer Talagtag, Project Development Officer, napag-alaman na ipinagdiriwang din ngayong buwan ang Safer Internet Month na may layuning maturuan ang mga netizen kung paano mapoprotektahan ang mga accounts nila online lalo na ngayong buwan ng mga puso kung saan kaliwa’t kanan ang online love scams.
Kaugnay nito, may ibinibigay na free training course ang ahensya na Introduction to Cybersecurity. Isa itong modyul na naglalaman ng mga paraan kung paano malalaman ang mga uri at paano maaksyunan ang mga cyberattacks kung kaya’t inaanyayahan nila ang lahat na bigyan ng panahon ang pag-access sa module na ito.