Mariing sinabi ng ilang senador na pauwiin na lang sa China si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil wala umano itong naitutulong para mapigilan ang tensyon sa West Philippine Sea.
Hinimok ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabalikin na lang si Huang dahil wala naman itong nagawa para tugunan ang pangha-harass ng China sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino.
Pati rin si Sen. JV Ejercito pinababalik na rin ang ambassador.
Maging si Sen. Nancy Binay ay pabor na palitan na ang Chinese ambassador.
Mababatid na una ng nanawagan si Sen. Francis Tolentino na pabalikin na ng Pilipinas si Huang dahil hindi na tamang panatiliin pa ang diplomatic complacency kung patuloy naman ang pangha-harass at pananakot ng China.
Para naman kay Sen. Ronald Bato Dela Rosa, oras na para tapatan ang ginagawa ng Tsina.
Si Sen. Risa Hontiveros naman nagsasawa na sa paulit-ulit na panggigipit ng China ngunit hindi naman aniya tama na isuko ang karapatan ng Pilipinas at hindi rin aniya tama na sabihing ang Pilipinas ang nag po-provoke.
