Kasunud ng pagkilala ng Commission on Elections(Comelec) sa 10 Embo Barangays bilang bahagi na ng Taguig, umapela ang komisyon at ang Taguig LGU ng kooperasyon mula sa Makati City.
Matatandaan na sa pagbubukas ng Brigada Eskwela ay nagkaroon ng tensyon sa EMBO schools na bibisitahin ni Taguig City Mayor Lani Cayetano at mga volunteers nang harangan ang daan patungo sa mga paaralan gayundin ay nagpaskil ng mga malalaking banner na nagsasabing pagmamay-ari ng Makati City ang mga school buildings.
Ang tensyon ay nangyari sa kabila ng malinaw na memorandum order na ipinalabas ng Department of Education(DepEd) na nag-aatas sa mga school principals na ilipat na ang management at personnel ng 14 na EMBO schools sa Taguig.
Tiniyak ng COMELEC na walang uusbong na tensyon sa kanilang gagawing turnover at sa mismong eleksyon dahil mayroon silang nakalatag na procedural steps na susundin ng ibat ibang departamento
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na ang paghahain ng Certificate of Candidacy(COC) ay gagawin sa Taguig Convention Hall simula August 28 hanggangl September 2 habang ang mga botante mula sa 10 Embo Barangays ay hindi na kailangan na maparehistro muli para sa October Barangay at Sanggunian Kabataan Election (BSKE)
Ayon kay Garcia kanilang hihingin sa Makati na magamit ang mga paaralan na maging polling stations.
Aatasan naman ang Office of the Election Officer ng Makati at Taguig na maghanda ng bagong listahan ng mga presinto at bagong listahan ng qualified electoral boards.
Sa panig ng Taguig ay nagpasalamat ito sa Comelec sa naging tamang aksyon nito sa kautusan ng Korte Suprema.
Hinimok din ng Taguig LGU ang mga opisyal ng Makati sa pangunguna ni Mayor Abby Binay na magpalamalas ng “spirit of cooperation” at pagrespeto sa kautusan ng kataas taasang hukuman.
Sinabi pa ng lokal na pamahalaan ng Taguig na dapat manguna ang mga government agencies para sa turnover para na rin hindi na magdulot pang anumang tensyon.
#