CAMARINES NORTE- Pangungunahan ng mga matataas na opisyal ng Department of Health ang Provincial Launching ng National Vaccination Days sa lalawigan ng Camarines Norte sa susunod na linggo.
Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola, gagawin ang Provincial launching sa Flag Ceremony sa Lunes, December 5 sa Provincial Capitol Ground na pangungunahan ni Health Assistant Secretary Nestor Santiago na siya ring incident manager ng National Vaccination Operations Center (NVOC).
Dadalo rin si DOH Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera at mga health official ng probinsiya.
Magbibigay ng kaniyang mensahe si Asec Santiago at pagkatapos nito ay iikot sa iba’t- ibang opisina ng Provincial Capitol para bakunahan ng booster shot ang mga empleado maging ang wala pang primary series.
Mag- iikot din ang mga health official sa ilang vaccination venue sa lalawigan.
Ang National Vaccination Days ay tatagal hanggang December 7 ng taong kasalukuyan bukod pa sa ginagawa ngayong Barangayang Suyod Bakuna sa limang munisipyo na nagsimula noong November 14 at tatagal naman hanggang December 16 ng taong kasalukuyan.
Sa datos ng Provincial Covid- 19 vaccination operation center nasa 82. 3 percent na ang vaccination coverage sa lalawigan at 74. 6 percent dito ay fully vaccinated na.
Pero nananatiling mababa ang nabibigyan ng booster shot na nasa 11. 2 percent pa lang habang 1. 53 percent naman ang nakatanggap na ng ikalawang booster.
