Fully vaccinated na ang nasa 7.97% o katumbas ng 125,800 na indibidwal sa lalawigan ng Isabela mula sa kabuoang populasyon na 1,557,775 .
Batay sa inilabas na datos ng Isabela Provincial Information Office, mula sa 125, 800 fully vaccinated na indibidwal ay 37,762 ang mula sa District 1; 15,084 sa District 2; 18,413 sa District 3; 10,668 sa District 4; 23,957 sa District 5; at 19,916 ang mula sa District 6 ng lalawigan.
Kabuoang 171,366 Isabeleños naman ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19 kung saan 53,842 ang mula sa District 1; District 2 na may 21,661; 25,522 naman sa District 3; 13,817 ang nagmula sa District 4; 29,911 sa District 5 habang 26,613 ang mula sa District 6.
Ayon naman kay Assistant Provincial Health Officer and Chairperson of Isabela Vaccination Program Operations Center, Dr. Arlene Lazaro, nasa 194,378 na ang kabuoang COVID-19 vaccines ang natanggap ng lalawigan mula nang magsimula ang vaccination roll-out kung saan kabilang na rito ang binili ng PGI.
Mula sa nasabing bilang 88,303 doses ang Sinovac; 44,300 doses ang Aztrazeneca; 42,350 doses ang Janssen; 2,400 doses ang Gamaleya Sputnik V; 16,440 doses ang Moderna; at 585 doses ang Pfizer.
Patuloy naman hinihikayat ni Isabela Governor Rodito Albano III ang publiko na magparegister na upang mabakunahan na kontra COVID-19 sa oras na mayroong mga available na bakuna.
Samantala, nagpaalala naman ang PGI sa publiko na sumunod sa tamang pagsusuot ng double facemask mask, full coverage face shield, physical distancing at tamang paghuhugas ng kamay.