Nahuli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board of Region 02 ang anim (6) na sasakyang colorum matapos ang isinagawang 2-days surprise operation sa border ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya.
Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon mula sa publiko ang LTFRB Region 2 ukol sa mga sasakyang illegal na nagbibiyahe ng pasahero mula Metro Manila patungong Cagayan at vice versa.
Ayon sa ahensiya, matapos inspeksyunin ang mga sasakyan ay napag-alamang sobra ang bilang ng mga pasahero nito at malinaw na lumabag sa public health and safety protocol.
Umaabot umano sa 3000-3500 pesos ang pamasahe ng kanilang mga pasahero.
Ang nahuling 6 na colorum na sasakyan ay na-impound habang ilan lamang umano ito sa mga illegal vehicles na nanghihikayat ng mga pasahero online gamit ang facebook.
Tiniyak naman ng LTFRB Region 2 na mananagot ang mga operators ng nahuling mga sasakyan dahil lumabag ang mga ito sa mga regulation of the board.
Samantala, ang mga pasahero naman ng mga ito ay ligtas na nakarating sa kanilang mga uuwiang munisipalidad o bayan sa rehiyon.
Mahigpit namang ipinagbabawal ng LTFRB RO2 ang pagbiyahe ng mga colorum na sasakyan dahil hindi umano ito patas sa mga operators na nagpoproseso ng kanilang mga papeles at franchise upang makapag-operate na.
Hinihikayat naman ang publiko na huwag mag-alinlangang isangguni sa LTFRB RO2 ang mga nalalamang illegal na aktibidad at iba pang nakikitang paglabag sa sector ng transportasyon.