LEGAZPI CITY – Nagsasagawa ng validation ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong Bicol region para sa mga pamilyang maisasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay RD Norman Laurio, sinabi nito na inaasahang ngayong taon o sa susunod ay madaragdagan na ang bilang ng mga 4Ps members matapos magtapos ang mahigit 1,000 ng mga ito sa Albay.
Tiniyak nito na ang bilang ng mga nagtapos sa nabanggit na programa ay inalis na sa listahan upang mapalitan ng panibagong listahan na mga mahihirap.
Aniya, kailangang tiyakin ng ahensya na ang mga makakapasok sa nasabing programa ay tanging mga mahihirap na pamilya lamang upang maiwasan ang mga reklamo.
Umaabot na rin sa mahigit 300,000 pamilya ang natulungan ng programa sa buong rehiyon.
Tiniyak din ni Laurio na ang mga naalis o mga nagtapos sa programa ay maaari paring mapabilang sa iba pang mga programa ng DSWD dahil may mga iilan pa rin na pamilya ang mahirap.