Tumaas sa 4 percent ang inflation rate nitong Marso ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang virtual press briefing, sinabi ng PSA na mas mataas ito kumpara sa 3 percent na naitala noong Enero at Pebrero ngayong taon.

Ilan sa mga dahilan ng pagsipa sa inflation ay ang nagtataasang presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin.
Nabatid na simula ng mag-umpisa ang taon, tumaas nang P16.10 kada litro ang presyo para sa gasolina, P26 kada litro para sa diesel at P24.10 kada litro naman para sa kerosene.
Nauna nang nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas na maaaring tumaas ang inflation sa mga susunod na buwan dahil sa epekto ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Itinaas ng central bank ang inflation forecast nito para sa 2022 at 2023 sa 4.3 percent at 3.6 percent, mula sa 3.7 percent at 3.3 percent.