30 pesos kada kilo ng bigas, posibleng maramdaman na sa Hulyo – Kamara

Inanunsyo ni House Speaker Martin Romualdez na target nilang ipatupad ang 30 pesos kada kilo na presyo ng bigas sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa darating na Hulyo.

Ayon kay Romualdez, tinutukoy na ng Department of Agriculture ang mga lugar kung saan iaalok ang mas murang well-milled rice.

Simula sa Hulyo ay magiging operational na ang ilang KADIWA centers sa mga partikular na rehiyon at mag-aalok ng abot-kayang well-milled rice sa loob ng limang araw kada linggo at dedepende ang operasyon sa suplay ng bigas sa NFA.

Bagama’t hindi pa aniya ito makakamit sa buong bansa, kumpiyansa ang Speaker na masisimulan ang pagbebenta ng abot-kayang bigas sa mga piling lokasyon at maisasakatuparan ang layunin lalo na kapag naamiyendahan na ang Rice Tariffication Law.

Kinumpirma ito ni Romualdez kasunod ng pakikipagpulong kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, sa mga opisyal ng National Irrigation Administration at iba pang affiliated agencies ng DA.

Ipinaliwanag nito na nabuo ang planong pag-aalok ng 30 pesos kada kilo ng bigas matapos matukoy ang ilang butas sa implementasyon ng RTL na agad matutugunan sa pamamagitan ng kolaborasyon sa pagitan ng Executive at Legislative branches.

Pero nilinaw ni Secretary Laurel na sa kabila ng restrictions ng batas, maaari pa ring bigyan ng awtorisasyon ang National Food Authority na magbenta ng murang bigas sa KADIWA centers na maitatayo sa buong bansa sa suporta na rin ng local government units.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *