26-points lead ng Lakers binura ng Thunder sa comeback win

Hindi makapaniwala ang mga fans ng Los Angeles Lakers na matatalo ang kanilang koponan sa kabila ng 26-points lead nito kontra Oklahoma City Thunder.

Nakumpleto ng mas batang OKC ang comeback win sa pamamagitan ng 123-115 final score.

Nanguna sa panalo si Shai Gilgeous-Alexander nagtala ng 27 PTS, 9 REB at 5 AST.

Dinagdagan ito ni 2021 NBA Draft no. 6 overall pick Josh Giddey, na kumamada ng 18 PTS at 10 AST.

May tiyansa pa sanang itabla ng Lakers ang laro sa huling minuto subalit magkakasunod na sablay sa 3-points mula kina Russell Westbrook, Malik Monk at Carmelo Anthony ang nangyari.

Dahil sa pagkatalo sumadsad sa 2-3 ang standing ng Lakers habang unang panalo naman ito ng Oklahoma sa 2021-2022 season.