Timbog ang dalawang lalaki matapos ang ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsama-samang pwersa ng mga awtoridad sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City nitong Huwebes, Pebrero 15 .
Batay sa report, bandang alas-5:31 ng hapon ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kina alyas “Samang”, 59-anyos; at alyas “Bakang”, 61-anyos.
Sa gitna nito, nasamsam mula sa mga suspek ang nasa tatlong (3) gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱62,000 at ang pera na ginamit sa operasyon.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng awtoridad ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.