18-ANYOS na suspek sa pagsaksak-patay sa sariling kapatid sa Quezon Isabela, sinampahan na ng kaso

Sinampahan na ng kasong homicide ang 18-anyos na suspek sa pagsaksak-patay sa kaniyang nakatatandang kapatid sa Brgy. Minagbag Quezon, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Roberto Valiente, ang hepe ng Quezon Police Station, kinilala ang suspek na si Robert Jake Egar, 18 anyos habang ang biktima ay si Benjamin Egar, 38 anyos, isang magsasaka na kapwa mga residente sa nabanggit na lugar.

Aniya, inilipat na sa BJMP Roxas ang suspek matapos maisampa ang kasong homicide laban dito.

Read More:  GenSan underpass project criticized anew after repeated flooding due to heavy rain

Ayon pa kay PMaj. Valiente, batay sa kanilang pagsisiyasat ay parehong nasa ilalim ng nakalalasing na inumin ang magkapatid nang mangyari ang insidente.

Kinompronta umano ng biktima ang suspek kaugnay sa hindi pagpapahiram sa kaniya ng bisikleta na humantong sa kanilang mainitang pag-aaway hanggang sa saksakin ng suspek ang nakatatandang Egar.

Dahil dito ay inawat umano ng kapatid nilang babae ang suspek at tumigil naman si Robert sa pananaksak.

Humingi pa ng tulong ang kapatid nilang babae subalit pagbalik nito ay nadatnan niya ang suspek na nakapatong sa biktima habang patuloy niya itong sinasaksak.

Read More:  Drunk brother-in-law kills mother, injures teen over ₱500 debt in Negros Oriental

Nagtamo ng saksak sa tagiliran, tainga at dibdib ang biktima.

Narekober ng kapulisan sa pinangyarihan ng insidente ang kutsilyong ginamit ng suspek sa pananaksak.

Sa ngayon, ayon kay PMaj Valiente ay wala pa umanong disposisyon ang magulang ng suspek kung itutuloy ang kasong homicide laban dito bagaman naisampa na ng PNP Quezon Isabela ang kaso.