Nag-umpisa na ang plenare debates ng Kamara para sa ipinapanukalang ₱5.268Trillion 2023 National Budget.
Inumpisahan ito sa pamamagitan ng Sponsorship Speech ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co para sa HB 4488 o 2023 GAB.
Sa kanyang talumpati, hinimok niya ang kapwa mga mambabatas para mabilis na mapasa ang hiling na 2023 National Budget.
Ito umano ay para masigurong makakamit ang 8-point economic agenda ng administrasyon.
Si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman ang kauna-unahang mambabatas na nag-interpolate sa budget kung saan ay hinimay nito ang budget na dinepensahan naman ni Appropriations Committee vice chair Marikina Rep. Stella Quimbo.
Ginisa naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang mga budget na inilaan sa iba’t ibang mga intelligence at security programs na sana raw ay nagamit na lamang para sa mga programa sa mga mahihirap.
Tugon dito ni Quimbo, ang mga pondong inilaan sa security at intelligence ay mahalaga para maprotektahan ang bansa mula sa mga banta ng terorismo.
Unang sumalang ngayong araw ay ang hiling na budget ng Office of the Ombudsman.
Humarap din sa budget deliberations ang Department of Finance, NEDA, Commission on Human Rights, COMELEC, DoST, ARTA, at Mindanao Development Authority.
#
