Close

Vape-Hype No More: E-cig users, pabawas ng pabawas

Sponsor ads


Isa ka rin ba sa mga nahumaling na sumubok mag-vape? O isa sa mga gustong tumigil sa paninigarilyo dahil sa vape?

Ayon kasi sa impormasyon mula sa U.S. National Health Interview Survey noong 2014 – 2016, naging patok ang paggamit ng e-cigarette lalo pa’t nakita ito bilang isang alternatibo sa regular na sigarilyo.

Ngunit sa kabila ng dami ng mga sumusubok ng nasabing produkto na naglalaman rin ng nicotine ay pababa rin ng pababa ang bilang ng patuloy na gumagamit o consistent users nito.

Dagdag naman ng lead researcher sa pagaaral na ito na si Dr. Wei Bao na isang assistant professor ng Epidemiology sa University of Iowa, naging mabilis ang pagbabago sa smoking behavior ng karamihan sa mga US adults at mas kinakailangan pa itong bantayan para malaman ang magiging epekto nito sa kanilang kalusugan.

Ang tinatayang bilang ng sumubok mag-“vape” ay lumaki ng 13% noong 2014, 14% noong 2015, at 15% naman noong 2016 subalit kasabay rin nito ang pag-unti ng continuous user ng e-cig ng 3.7%, 3.5%, at 3.2% parehas sa nabanggit na mga taon.

Ang naturang pagbaba ay mula sa mga may edad na 65-anyos pataas, mga babae, mga puti, may mabababang kita o sahod, at iyong dati pa’y naninigarilyo na.

Sa pahayag naman ng pinuno ng American Vaping Association na si Greg Conley, nakatulong umano ang vaping sa halos 2.6 million ex-smokers na tinuldukan na ang paninigarilyo ng tobacco at katumbas na umano nito ang milyon-milyong pakete ng sigarilyo na hindi na nabibili at nasisindihan kada taon.

Taliwas naman ang naging pahayag ni Stanton Glantz, isang propesor ng medisina sa University of California, San Francisco’s Center for Tobacco Control, Research and Education na mas pinalalala umano ng e-cigarette ang tobacco epidemic at mas pinahihirapan ang mga taong tuluyan nang putulin ang bisyo.

Isa ring ikinabahala ni Glantz na lubos na na-engganyo ang mga kabataan sa pagve-vape na maaaring maging dahilan umano sa paglikha ng bago at mas batang henerasyon ng smokers.