Close

Thai youth football team, ligtas na nailabas lahat sa kweba

Sponsor ads


Natapos na ang mahigit dalawang linggong kalbaryo ng Wild Boars soccer team dahil ligtas nang nailabas lahat ng mga miyembro nito kasama ang kanilang coach mula sa binahang kweba sa Thailand.

Ito ay kasunod ng tatlong araw na komplikadong operasyon ng mga rescuers at divers mula sa iba't-ibang bansa para mailabas ang soccer team mula sa kweba.

Siyam na oras ang itinagal ng extraction matapos ang last leg ng operation para maisalba ang team.

Inanunsyo ng Facebook page na Navy SEALs ang pinakahihintay na balitang nailabas na ang mga bata kasama ang kanilang coach.

Sinabi ng Facebook page, "We are not sure if this is a miracle, a science or what. All the thirteen Wild Boars are now out of the cave."

Kaugnay nito, kasalukuyang nasa ospital ang mga bata para sa kanilang recovery.

Ginagamot sa isang isolation ward sa Chiang Rai hospital ang walong miyembro na naunang nailabas mula sa kweba.

Maayos naman ang lagay ng mga ito at nananatiling mentally fit.

Ayon sa statement mula sa ospital, posibleng mayroong lung infections ang mga bata at hinihintay pa ang resulta ng blood test ng mga ito.

Mababatid na na-trap ang soccer team mula noong June 23 nang tumaas ang tubig at di na nakalabas.