Close

Teachers’ incentives, tinanggal sa 2021 fund

Sponsor ads


Hinihiling ng Department of Education (DepEd) ang karagdagang P1.5 billion para sa teachers’ incentives, matapos na ang naturang panukalang alokasyon ay hindi naisama sa 2021 National Expenditure Program (NEP).

Sa pagdinig ng Senate committee on basic education, arts, and culture, ibinunyag ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na ang P1,000 World Teachers’ Day incentive na ibinibigay sa mga guro, maging ang P500 annual medical examination benefit ay parehong tinanggal mula sa 2021 NEP.

Ayon kay Sevilla, nasa P1 billion ang inilaan para sa World Teachers’ Day bonus habang ang P500 million ay inilaan para sa annual medical examination.

Dagdag ng opisyal, ibinibigay na umano nila itong mga benepisyo sa mga guro sa buong bansa sa loob na ng dalawang taon, simula noong 2019 General Appropriations Act at sa 2020 GAA.

Una na nitong sinabi na hiniling ng DepEd ang P1.1 trillion budget mula sa DBM para sa 2021, ngunit, inaprubahan lamang umano sila ng P605 billion.

Mababatid na ang DepEd ang ikalawang may pinakamataas na budget allocation para sa susunod na taon, mula sa iba't-ibang ahensya.