Close

Swab samples na para sa PRC, inilipat sa malalaking labs- DOH

Sponsor ads


Inilipat ng gobyerno ang mga swab test specimen na para sana sa Philippine Red Cross sa mga major laboratories sa buong Metro Manila matapos na itigil ng Philippine Red Cross ang COVID-19 tests dahil di nababayaran ng PhilHealth ang mga nagastos na nasa halos P1 bilyon.

Sa isang press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ni-reroute na ang mga specimen sa mga ospital gaya ng Lung Center of the Philippines para di mabalang ang testing.

Ayon kay Vergeire, temporary measure lamang ito para magtuloy-tuloy ang operasyon.

Dagdag ng opisyal, nakikipag-usap na si PhilHealth chief Dante Gierran at iba pang opisyal kasama ang PRC at inaayos na ang datos na mahalaga sa pagbabayad ng utang ng PhilHealth sa Red Cross.

Mababatid na inanunsyo ngayong linggo ng PRC na ititigil na nito ang COVID-19 tests na pinopondohan ng PhilHealth para sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers, mga dumadating sa seaports, airports, at mga mega swabbing facilities, at mga kasama sa expanded testing guidelines ng Department of Health (DOH).

Sa ngayon, mahigit isang milyong COVID-19 tests na ang nagawa ng PRC.