Close

Solon: Taasan presyo ng NFA rice para matulungan mga magsasaka

Sponsor ads


Hinimok ni Representative Roger Mercado ang National Food Authority na bilhin ang buffer stocks nito ng bigas sa mga magsasaka mula sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Mercado, dapat na itakda ng NFA ang buying price sa 22 hanggang 25 pesos kada kilo mula sa ngayo'y 17 pesos kada kilo upang matulungan ang mga magsasaka.

Kapag dito aniya binili ang bigas ay mapupunuan rin ang mga inventories ng mga warehouse ng NFA.

Bagama't hindi tutol sa desisyon na mag-angkat ng bigas upang resolbahin ang shortage sa NFA rice, iginiit ni Mercado na lubhang napakabagal ng aksyon ng ahensya kaya lumala ang sitwasyon.

Isa pang nakikitang problema ng kongresista ay ang pagbaba ng presyo ng commercial rice mula sa ibang bansa kaya malulugi ang local farmers.

Maaari umanong bigyan ng ayuda ang mahihirap na pamilyang maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng NFA rice sa pamamagitan ng paglalaan ng rice subsidy sa ilalim ng 4Ps program ng DSWD.