Close

SoCot nakatanggap ng award sa pagbasura sa coal mine

Sponsor ads


KORONADAL CITY - Pinarangalan ang lalawigan ng South Cotabato sa isinagawang 2018 Climate Reality Leadership Awards ng The Climate Reality Project, isang non-profit organization na itinatag ni dating US Vice President Al Gore.

Layunin nito na kilalanin ang mga outstanding na indibidwal, organisasyon, networks at mga local government units na gumagawa ng mga hakbang upang masolusyunan ang climate crisis.

Ang South Cotabato ang ay nakatanggap ng Allen S. Quimpo Climate Leadership for Governance Memorial Award dahil sa pagbasura nito sa coal mine project at pagsusulong ng renewable energy.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang awarding ceremony sina Board Member Cecil Diel at Board Member Romulo Solivio, dalawa sa anim na mga board members sa lalawigan na bumoto kontra sa coal mining operation na isinusulong ng Daguma Agro Minerals Incorporated o DAMI sa Barangay Ned, Lake Sebu.

Sa botong 6-4, binasura ng Sangguniang Panlalawigan noong Hunyo ang naturang proyekto dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan at dahil sa labag umano ito sa Provincial Environment Code na nagbabawal sa open pit mining. (Arjean Bautista-Gasis)