Close

Serye ng oil price hike, pinangangambahan ng solons

Sponsor ads


Nababahala ang ilang Kongresista sa patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo sa bansa na nagsimula sa unang linggo ng taong 2018.

Dahil dito ay hinimok ni 1-CARE party-list Rep. Carlos Roman Uybarreta ang House Committee on Energy na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco na imbestigahan ang price hike ng mga kumpanya ng langis.

Ayon kay Uybarreta, dapat ay malinawan ang publiko kaugnay sa pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa kabila ng kalayaan ng mga oil companies na magtakda ng presyo nito alinsunod sa Oil Deregulation Law.

Sinabi naman ni Uybarreta, na batay sa monitoring ng Department of Energy (DOE), ang presyo ng diesel sa simula ng taon ay nasa P37.15 lang pero ngayon ay umakyat na ito sa P42.04 habang ang gasolina naman na nasa P48.60 noon ay nasa P52.91 na ngayon.

Iginiit naman ng Kongresista na kung hindi mapapaliwanag ng mga kumpanya ng langis ang nagpapatuloy na price hike ay dapat agad nilang itigil ang sobra-sobrang singil at mapanagot ang mga may sala.

Ipinunto rin ng mambabatas na marami nang grupo, negosyo at local government officials na ang umaaray sa oil price hike pero sa kabila nito ay dinadahilan lamang ng mga kumpanya ng langis ay ang hindi pangkaraniwang galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa world market, ang paghina ng piso kontra dolyar at ang epekto ng tax reform law.