Close

SSS, 'insensitive' matapos i-defer ang pension hike

Sponsor ads


Umalma si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa naging desisyon ng Social Security System na iantala ang pagpapatupad sa second tranche ng pension increase.

Ayon kay Zarate, walang puso ang SSS para sa paghihirap ng mamamayan lalo't ipinatupad na ang karagdagang excise tax sa langis at kung susuriin ay 73 pesos kada araw lang ang tinatanggap ng pensioners.

Makakatulong sana aniya ang 1,000 pesos na pension hike para masabayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngunit ipinagkait pa rin umano ng SSS.

Pinasinungalingan rin ng kongresista ang paliwanag ng SSS na nanganganib ang buhay ng retirement fund dahil nagkaroon umano ito ng sapat na panahon para paigtingin ang collection efficiency mula sa 31 million members at employers.

Bukod pa rito, nakakolekta umano ang ahensya ng bilyun-bilyong piso mula sa overdue contributions ng mga employer na hindi nagremit sa nakalipas na sampung taon, pagtapyas sa bonus at perks na ibinibigay sa SSS officials na nagkakahalaga ng 200 million pesos at koleksyon mula sa ipinataw na multa laban sa mga employer na lumabag sa batas.

Samantala, mayroon umanong ipinasang Joint Resolution ang Kamara noong 2017 na nagsasaad na hindi dapat taasan ang premium contributions ng mga miyembro kahit na dagdagan ang tinatanggap na pension.