Close

Roque nais bumalik sa Kamara? - KABAYAN Party-list

Sponsor ads


Ibinunyag ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo na nakatanggap umano sila ng 'feeler' o paramdam mula sa kampo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nais niya muling maging nominee ng partido para sa 2019 elections at bumalik sa Kamara.

Sa kanyang paghahain ng certificate of candidacy sa tanggapan ng COMELEC sa Maynila, sinabi ni Salo na ang impormasyon ay ipinabatid sa isang board member kung saan ipinapabilang rin umano ni Roque sa list of nominees si Jesse Andres.

Pero tinanggal na aniya si Roque bilang miyembro ng KABAYAN at kailangan munang mag-apply siya kahit pa nominado ang kanyang pangalan sa Selection Committee.

Gayunman, iginiit ni Salo na kumpleto na ang nominees ng KABAYAN para sa eleksyon na kinabibilangan nina Peter Abaya, ang kauupo lang sa Kongreso na si Representative Paul Hernandez, Noemie Bustamante at Jennis Nidea.

Sakaling ituloy ni Roque ang pangarap na maging isang senador at paghahain ng COC ay susuportahan umano siya ng partido.

Mababatid na iniwan ni Roque ang pagiging kongresista matapos siyang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Presidential Spokesperson noong nakaraang taon kapalit ni Ernesto Abella na ngayo'y Undersecretary na sa Department of Foreign Affairs.