Close

Repetitive questions sa budget hearings, iwasan - Romualdez

Sponsor ads


Umapela si House Majority Leader Martin Romualdez sa mga kapwa-kongresista na hangga't maaari ay iwasan ang pagtatanong ng paulit-ulit sa pagbubukas ng formal budget deliberations.

Ayon kay Romualdez, magpapatuloy ang budget briefings ng Kamara bago simulan ang paghimay sa National Expenditure Program upang linawin sa economic managers at department secretaries ang mga isyung nais ungkatin ng mga mambabatas.

Sa ganitong paraan aniya ay matitiyak ang aktibong partisipasyon ng executive department sa deliberasyon sa kanilang budgetary requirements at mas mapapabilis ang proseso ng pag-apruba rito lalo't limitado lamang ang panahong gugugulin at marami pang panukala ang aasikasuhin.

Kasabay nito ay nanawagan rin si Romualdez sa mga mambabatas kasama na ang 44-member Visayan Bloc sa Kamara na makipagtulungan para maipasa ang proposed 4.1 trillion pesos na 2020 national budget bago ang unang session break sa October 5.

Gayunman, siniguro ng liderato na magiging normal at transparent pa rin ang pagbusisi sa merito at pangunahing layunin ng pambansang pondo na sisimulang isalang sa House Committee on Appropriations sa pangunguna ni Davao City Representative Isidro Ungab.

Inaasahang social at economic services ang makakatanggap ng pinakamalaking alokasyon mula sa budget na siya namang titiyakin ng mga kongresista na magagasta nang tama para sa kapakanan ng taumbayan.