Close

Publiko, di sanay na hindi nakikita si PRRD - palace

Tanggap ng Malacañang na hindi tumitigil ang marami sa mga haka-haka hinggil sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi nito pagpapakita sa publiko ng ilang araw.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hindi sanay ang publiko na hindi nakikita ang pangulo kaya nagulat at naglabasan ang mga espekulasyon nang ilang araw na hindi nakita si Pangulong Duterte lalo na noong Independence day rites.

Muli namang tiniyak ni Andanar na malusog ang Pangulo taliwas sa mga naglalabasang balita na comatose ito at kung ano ano pang espekulasyon.

Inihayag din ni Andanar na may mga mali o pekeng balita na hindi sinasadya habang ang ibang fake news naman ay sinadya para makapanlinlang ng tao.

Matatandaan na noong Sabado ay mismong si Pangulong Duterte ang nagsabing maayos ang kanyang kalusugan at sa katunayan ay nagtungo pa nga ito sa isang lihim na biyahe na hindi niya maaaring ibahagi sa publiko.