Close

Presyo ng mga Gulay, biglang nagmura

Sponsor ads


Natapyasan ng hindi bababa sa P10 hanggang P20 kada kilo ang presyo ng ilang gulay sa Metro Manila bunsod ng biglang pagdami ng suplay dahil sa sapilitang pag-ani.

Inaasahan kasing mananalasa sa ilang bahagi ng Luzon ang bagyong Ompong, kaya napilitan ang mga magsasaka na anihin ang kanilang mga tanim.

Bumaba ng P10 kada kilo sa Mega Q-mart ang ilang mga gulay tulad ng repolyo na P100/kilo na mula sa dating P110/kilo, siling labuyo na P500/kilo mula sa dating P600/kilo, petsay na P100/kilo mula sa dating P130/kilo, carrots na P120/kilo mula sa dating P130/kilo, sayote na P90/kilo mula sa dating P100/kilo, sibuyas na P80/kilo mula sa dating P100/kilo, at iba pa.

Ayon sa mga tindero, maraming suplay kaya mas mura ang kuha nila sa mga gulay.

Paliwanag naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol, maaaring nakaapekto sa pagbaba ng bilihin ang maagang pag-ani ng mga magsasaka sa norte.

Ang problema, tatamaan ng nagbabadyang bagyo ang ilan sa mga probinsiya na inaasahan ng bansa para sa bigas at gulay tulad ng Isabela at Ifugao.

Paniniguro ni Piñol, may mga dumarating naman daw na imported, kaya sapat ang magiging suplay ng bigas. // Liam Eustaquio-ojt