Close

Power players na nagsasabwatan, paparusahan - PCC

Sponsor ads


Tututukan na ng Philippine Competition Commission at Department of Energy ang mga power players na nagsasabwatan para dominahin ang industriya.

Ito'y matapos lumagda sa isang memorandum of agreement ang DOE at PCC na naglalayong habulin at parusahan ang mga anticompetitive at mapang-abusong energy players.

Aabot sa 250 million pesos na multa at pagkakakulong ng hanggang pitong taon ang naghihintay na parusa sa mapapatunayang guilty.

Ayon kay PCC Chairman Arsenio Balisacan, mas mapapaigting ang kompetisyon sa sektor ng kuryente dahil sa kanilang investigative capacity at sa technical assets na mayroon ang DOE.

Nakasaad sa nilagdaang MOA ang pagtutulungan ng dalawang ahensya sa pamamagitan ng information sharing, investigative support, technical audits, joint task forces, capacity-building at mga konsultasyon.

Bilang competition authority ng bansa, ang mandato ng PCC ay ipagbawal ang anticompetitive agreements at magpataw ng parusa sa mga lalabag habang responsibilidad ng DOE ang pagpapatupad ng mga polisiya para matiyak ang de-kalidad at siguradong suplay ng kuryente.