Close

Pondo para sa CA retirement rites, tataasan

Sponsor ads


Inaprubahan ng Korte Suprema ang pagpapataas ng pondo para sa retirement rites ng mga justices ng Court of Appeals.

Sa 5-pahinang resolusyon ay inaprubahan ng kataas-taasang hukuman ang request ni Court of Appeals Presiding Justice Romeo Barza na taasan ang maximum allowance para sa retirement celebration ng mga mahistrado sa CA na magiging epektibo sa July 1.

Dahil sa pag-apruba ng Korte Suprema, ay tataas ang budget ng CA sa P1.2-million mula sa dating P200,000 para sa bawat associate justice na magreretiro at P1.5-million naman para sa magre-retirong presiding justice.

Sinangayunan rin ng kataas-taasang hukuman na taasan ang pondo para sa retirement rites ng CA justices dahil mas mababa ito kumpara sa retirement budget ng Sandiganbayan at Court of Tax Appeals.

Saklaw ng budget para sa retirement ceremony ay ang pagkain ng mga justices at ng mga empleyado, judicial tokens, souvenirs para sa mga guests, at iba pang mga gastusin para sa special session ng korte.

Mababatid na ang CA ay meron 68 justices at 1,660 empleyado, na mas marami kung ikukumpara sa staff ng Sandiganbayan at Court of Tax Appeals.

Gayunman, hindi pumayag ang SC na request na otomatikong pagpapataas ng budget ng 10% kada taon dahil sa inflation.