Close

Personal remittances sa PH mula Pinoy abroad, tumaas noong Sept

Sponsor ads


Ibinahagi ng Bangko Sentral ng Pilipinas na tumaas sa $2.888 bilyon ang personal remittances sa bansa ng mga Pilipino abroad nitong Setyembre 2020, na mas mataas ng 9.1 porsiyento sa $2.648 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2019.

Dahil dito, ang cash remittances o money transfers sa mga bangko ay lumago ng 9.3% sa $2.601 bilyon nitong Setyembre 2020 mula sa $2.379 bilyon ng Setyembre 2019.

Maliban dito, ang personal remittances o kabuuan ng transfers in cash o in kind ay umangat din ng 9.1% sa $2.888 bilyon mula sa $2.648 bilyon sa kaparehong panahon noong 2019.

Ayon sa BSP, ang increase ay dahil sa growth ng remittances mula sa parehong land-based sa $2.031 billion at sea-based sa $570 million workers.

Karamihan naman sa mga cash remittances sa nakalipas na siyam na buwan ay nagmula sa mga Pinoy na nasa United States, Singapore, Qatar, Hong Kong, at Taiwan, na kumakatawan sa 78.8%, habang naitala naman ang pagbaba ng remittances mula sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Germany, Kuwait, at United Kingdom.