Close

Pangulo, pwedeng imbestigahan ang sariling appointees sa bagong EO

Sponsor ads


Naghain si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na magbibigay ng kapangyarihan sa kanyang opisina na direktang imbestigahan ang kanyang mga appointees at makialam sa mga administratibong kaso ng mga opisyal na akusado ng kurapsyon.

Epektibong inaamyendahan ng Executive Order 71 ang EO 43 na lumikha sa Presidential Anti-Corruption Commission noong October, 2017.

Sa bagong EO ay sinabi dito na walang kahit sino ang pwedeng pumigil sa Pangulo sa direktang pag-imbestiga o pagdinig sa mga administratibong kaso laban sa kahit sinong presidential appointee.

Sinabi din sa EO 71 na pwedeng iotorisa ng Pangulo ang mga opisina sa ilalim ng Office of the President na mangasiwa sa imbestigasyon.

Binibigyan din nito ng hurisdiksyon ang Pangulo sa kahit anong bahagi ng proceedings na iniimbestigahan ng PACC.

Magkakaroon din ang PACC ng mandato na magrekumenda ng mga kaso na pwedeng imbestigahan ng Anti-Rep Tape Authority, at ng mga kasong kriminal na pwedeng ihain sa Office of the Ombudsman, Department of Justice, o sa iba pang kaukulang opisina.

Matatandaan na inilabas ang bagong EO matapos sabihin ng PACC na iniimbestigahan nito ang 3 presidential appointees kabilang na sina Labor Secretary Silvestre Bello III, dating Customs Commissioner at ngayo'y Technical Education and Skills Development Authority Director General Isidro Lapeña at National Commission on Indigenous Peoples Chairman Leonor Oralde-Quintayo.