Close

Panelo, kumambyo sa SOGIE Bill

Sponsor ads


Nilinaw ng Palasyo ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression o SOGIE Bill.

Matatandaang kagabi nang sabihin ng Pangulo na handa siyang i-certify ang panukala bilang urgent dahil gusto niya na 'happy' ang LGBT community.

Sa isang panayam, nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na posibleng hindi naman ang SOGIE Bill ang pinatutungkulan ng Pangulo sa naging pahayag nito.

Paliwanag ni Panelo, kung may ise-certify si Duterte, ito ay ang anti-discriminatory bill.

Ang pinakahuhulugan daw ng Pangulo ay ang batas na para sa lahat, at hindi lamang ang karapatan ng LGBT community na masasaklaw na rin naman daw ng naturang panukala.

Samantala, kinumpirma rin ni Senate President Tito Sotto na hindi ise-certify ni Duterte ang SOGIE bill.

Sinabihan daw siya ng Pangulo na general anti-discrimination bill ang posible nitong ipa-urgent kagaya na lamang ng umiiral na ordinansa sa Davao.

Kahit nga tanungin pa raw sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Senador Bong Go ay ito rin ang kukumpirmahin ng mga ito.

Sa huli, nanindigan si Sotto na wala nang tiyansang makalusot pa ang SOGIE Bill sa Kongreso.
#