Close

Palasyo, nagpasalamat sa Kamara sa pag-apruba sa 2021 natl. budget

Sponsor ads


Nagpasalamat ang Malacañang sa House of Representatives dahil sa pagpasa sa third at final reading ng 2021 General Appropriations Bill sa special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang statement, sinabi ng Palasyo na makailang ulit nang sinabi ng pangulo ang kahalagahan ng pagpasa sa budget sa tamang oras lalo na't nasa gitna ang bansa ng COVID-19 pandemic at kailangan ng resources para pondohan ang COVID-19 response.

Kasabay nito, umaasa ang Malacañang na agad na maipapadala ng Kamara ang kopya ng national budget sa Senado para naman magkaroon ng oras ang mataas na kapulungan na aksyunan ang legislative measure na sinertipikahan nang urgent ni pangulong Duterte.

Samantala, pinuri naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang House sa pag-apruba sa P4.506-trilyong 2021 General Appropriations Bill (GAB).

Sa hiwalay na statement, sinabi ng kalihim na umaasa syang magiging mabilis ang deliberasyon ng Senado sa 2021 GAB para makamit ng gobyerno ang goal na makabangon ang ekonomiya mula sa pandemic.