Close

Pagtapyas sa 2019 budget ng NEA, kwinestyon

Sponsor ads


Kinuwestyon ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Alexei Nograles ang 635 million pesos na itinapyas sa 2019 proposed budget ng National Electrification Administration na nangangasiwa sa pagpapailaw ng mga maliliit na komunidad o sitio sa bansa.

Ayon kay Nograles, hindi sasapat ang 1.135 billion pesos na pondo dahil para mapailaw ang isang sitio ay gagastos ng 1.4 million pesos habang base sa datos ng NEA ay mahigit dalawang milyong bahay pa ang walang kuryente.

Kapag naaantala aniya ang pagpapailaw sa mga komunidad ay nagkakaproblema rin sa kaunlaran at hindi nakakabangon mula sa kahirapan ang mamamayan.

Giit ni Nograles, malinaw ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Energy na bago siya bumaba sa puwesto sa 2022 ay dapat may kuryente na ang lahat ng lugar sa Pilipinas lalo na sa Mindanao na may pinakamaraming sitiong apektado.

Dahil dito, hinimok ng kongresista ang DOE at NEA na maglatag ng plano para maresolba ang isyu at humiling ng mas malaking budget para sa 2019 upang makinabang ang mas maraming mga probinsyano.