Close

PSG, sasampahan ng kaso si Cong. Yap

Sponsor ads


Inanunsyo ng Presidential Security Group na magsasampa ito ng kaso laban kay ACT-CIS partylist Representative Eric Go Yap.

Ayon kay PSG Commander Jesus Durante III, dahil ito sa pagpunta ni Yap sa Malacañang noong Sabado kahit itinuturing na ito bilang Person Under Investigation sa COVID 19.

Sinabi ni Durante na hindi sinabi ni Yap sa declaration form na pinapa-fill up sa lahat ng mga bumibisita sa Malacañang na siya ay nagkaroon ng close contact sa isang COVID 19 positive patient.

Hindi rin umano idineklara ni Yap na meron siyang sintomas ng virus tulad ng ubo.

Iginiit ni Durante na walang pagkukulang ang PSG dahil sinunod pa rin nila ang istriktong measures na ipinatutupad sa Malacañang upang maiwasan ang contamination sa lugar.

Ngunit kailangan pa rin anya nila imbestigahan kung meron silang kailangan na baguhin sa kanilang measures.

Binigyang diin ni Durante na nilagay ng mambabatas ang buhay ng maraming tao sa panganib.

Sa estima ni Durante ay nasa mahigit 20 na ang bilang ng mga kawani ng Malacañang ang kailangang mag-self quarantine matapos ianunsyo ni Yap na nagpositibo sya sa virus.

Kabilang na anya diyan ang anim na miyembro ng PSG na present sa meeting noong Lunes, mga miyembro ng Office of the President, at iba pa.

Samantala, sinabi ni Durante na pinagbabawalan na nila ang kahit sinong bisita na makalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte habang nililimitahan ang mga pagpupulong na nangangailangan sa presensya ng Pangulo.

Nanawagan naman ang PSG muli sa lahat ng mga bumibisita sa Palasyo na magpakatotoo sa mga idinedeklara nito para sa kaligtasan ng lahat laban sa COVID 19.//RAMAK KOWSARI